Monday, February 27, 2006


dare to be the remedy
Ilang beses ko binalak ilabas ang saloobin ko ukol sa mga kaganapan sa ating bansa. At ilang beses din akong nabigong makalap ang katotohanang mahirap lunukin.


Image hosting by Photobucket
This little boy lives in the Philippines - the poor if not poorer side of the Philippines. His family barely makes it to the poverty line. His father works abroad to send them money every Christmas. Despite these limitations, he finds comfort in the community he resides in for they are an army of families scrambling for survival. (Mga larawan mula kay Raffy Perez)


Isa akong Pilipino. Tulad mo. Tulad nila.
Kung Pilipino tayong lahat, bakit di tayo nagkakaisa?

Ilang daang taon na ang nakalipas mula nang lisanin tayo ng mga mananakop. Ilang dekada na ang dumaan mula nang tayo'y sumailalim sa kamay na bakal. Ilang kabayanihan, kabiguan, kadakilaan, at kamatayan na ang nalasap mula nang namulat ang Pilipinas sa kanyang mga anak, pero wala pa ring ipinagbabago ang Perlas ng Silanganan.

Mahirap nang habulin pa ang mga pangyayari sa Kamaynilaan araw-araw. Sa bawat pagkilos sa lansangan, pagkasa ng baril, pagmungkahi sa telebisyon, pagsigaw ng paghihirap, at pagtahak ng laban, nakakapagod nang hagilapin pa ang kamangha-mangha, ang kanais-nais, at ang katawa-tawa.

Ngunit sino nga naman ba ako para maintindihan ang lahat ng ito? Isa lamang ako sa milyun-milyong mamamayan ng bansang ito na humihiling ng katotohanan at kapayapaan. Isa lamang ako sa mga kaisipang uhaw sa pagbabago at pagkakaisa. Isa lamang ako sa mga kabataang humihingal na sa kakatakbo mula sa problemang di namin kailanman matatakasan.

Marahil para sa isang naghihingalong bansang tulad ng ating kinagagalawan ngayon, walang kabuluhan ang mga salitang pumupuna sa sistemang matagal nang nabubulok. Marahil, ang aking opinyon o saloobin ay walang patutunguhan dahil pinariringgan ko ang isang elementong kailanma'y di tutubuan ng taingang lalasap ng kuro-kuro. Marahil, tunay ngang walang laman ang makatang panulat kung wala itong kadahilanan. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, mayroon pa rin akong pinaghuhugutan ng silakbo.

Di maipagkakailang nakakapagod maging Pilipino. Sa sunod-sunod na suntok na ating dinaranas, tila mas katanggap-tanggap na sumuko na. Pero kung mahal mo talaga ang lahi mo at may dinadala kang pagmamalaki sa kabila ng lahat ng kapintasan, isang dahilan lang, sapat na. At kung talagang kinamumuhian mo na ang bayang sinilangan mo, hindi mo na rin kailangan pa ang pangalawang dahilan.

Siguro rin ay wari akong mapagpaimbabaw sa aking mga sinasabi. Ipokrita marahil ang aking kalalabasan sa pagmungkahi ng mga bagay-bagay na di ko naman direktang nararanasan.

Totoo. Isa lamang akong menor de edad na di pa kailanman sumusugod sa kalsada para mag-rali, o kaya'y lumabas sa media para humingi ng pagbabago, at wala din akong koneksyon sa mga malalaking taong may hawak sa ating bansa.

Ngunit mayroon akong mga kadugong di nakakakain ng tatlong beses sa isang araw. Nakikita ko ang mga nakapalibot sa akin na walang magandang kinabukasan na masisilayan. Saksi ako sa palaki ng palaking agwat ng mga may kapangyarihan sa mga walang laban.

Isa akong Pilipino. Tulad mo. Tulad nila.
Ako ay parte ng problema. At magiging parte rin ako ng solusyon.

Image hosting by Photobucket


Isa itong hamon para sa akin, at para sayo.
Di na kinakailangan pang magbuwis ng buhay para ipakita ang iyong pagmamahal sa bayan. Ang paglaan ng iyong pagpapahalaga sa sariling dangal, pagkukusang tumulong sa kapwa, at paghahangad ng pagkakaisa at kapayapaan para sa bawat isa ay sapat na. Marahil, higit pa.

- n|x - was loved at 2:03 PM
[link to post] [0 smiles for me :)]
~I will keep your secrets. Just think of me as the pages of your diary.~


[ Photos ] [ Anthology ] [ Tagboard ] [ Links ]